LiteraryBy John Cedric Gaza
Repleksiyon
Iba siya sa lahat ng babae sa aking paningin. Makikita mo sa malayo ang pulang buhok niya, tapos 'yung pula niyang labi. Yung katawan niyang payat, at 'yung balat niyang porselana.
Natamaan na siguro ako sa kaniya.
Kung tatanungin mo ako kung ano ang pag-ibig, siguro ito ang gagawa ka ng mga bagay na hindi mo alam. Hindi mo alam natamaan ka na. Hindi mo alam, tumititig ka sa kaniya. Hindi mo alam, handa mo siyang saluhin sa isang mataas na bangin.
Pero hindi mangyayari iyon. Nasa tubig na siya, nakatitig sa akin. Mata sa mata. Umiiyak din siya tulad ko.
Hindi pala ako puwede sa dalawang lugar sa iisang oras. Pero gusto ko siyang sundan.
